Alert level 2 panatilihin, apela ng mga eksperto dahil sa banta ng Omicron COVID variant
Spread the news on:

Umapela ang ilang eksperto na panatilihin ang Alert Level 2 sa buong bansa hanggang Enero, sa gitna ng banta ng Omicron COVID-19  variant.

Giit ni Dr. Guido David na ito ay kahit na bumababa na ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 nitong mga nagdaang linggo.

Binigyan-diin din ni David na nararapat lang ding manatili sa Alert Level 2 para paghandaan at mas ma-contain ang posibleng pagpasok ng Omicron na natagpuan sa South Africa kamakailan.

“I understand the position na we can remain at alert level para ready na rin tayo just in case at para ma-contain natin ang spread,” pahayag ni David.

Matatandaang ilang opisyal ang humihirit na ilagay ang Metro Manila at iba pang lugar sa Alert Level 1 kasabay ng papalit na Kapaskuhan.

Iginiit naman ni health reform advocate Dr. Tony Leachon na dapat maghinay-hinay pa sa ngayon lalo’t may pagbabakuna pa.

“Ang suggestion ko i-retain natin ang Alert Level 2 kasi ang dami pa nating gagawin. Magbabakuna pa tayo, Magbu-booster shots pa tayo. ’Yung mga bata babakunahan pa natin. Pangalawa, parang Alert Level 1 na ’yung Alert level 2, so lalo na ’pag in-Alert Level 1. So maghinay-hinay tayo. I think mas maganda ’yung merrier and safer Christmas, kaya buong December Alert Level 2 muna tayo nang sa gano’n safe na safe talaga ang ating Christmas. Tapos sa January 2022 na tayo mag-Level 1 pag nabakunahan na natin ang at least 50 percent of the population,” pahayag ni Leachon.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.