Gobyerno, handa na sa National Vaccination Days kahit kulang pa sa volunteers
Spread the news on:

(Photo courtesy: PTV News FB)

Handa na ang gobyerno sa tatlong araw na National Vaccination Days na sisimulan sa Lunes, November 29 hanggang December 1.

Ito ay sa kabila ng kulang na 51,000 pang volunteers, ayon sa National Task Force Against COVID-19 (NTF) nitong Sabado, November 27.

“Maayos na ho ang ating paghahanda, nakalatag na rin at ready to roll out na sa Lunes. May kaunti lang pong pag-aadjust,” pahayag ni NTF spokesperson Restituto Padilla Jr. sa panayam sa dzBB.

Subalit binigyang-diin ni Padilla na nangangailangan pa rin ng mahigit 6,000 boluntaryo para sa active vaccination sites at posibleng 5,000 sa mas maliliit na sites na idadagdag.

“We took the notice of about 51,000 volunteers na kakailanganin pa. Kailangan pa po. Galing po ito sa Department of Health (DOH) ‘no, sa kanilang pakikipag-ugnayan sa ating mga health workers at saka frontliners.

So meron na po tayong mga almost 18,000 na volunteers na nakumpirma na natin,” dagdag ni Padilla.

Nauna nang inanunsyo ng DOH na kailangan nito ang nasa 160,000 volunteers para sa vaccination drive, kabilang na ang health screeners, post-vaccination monitoring personnel, health educators, registration personnel, data consolidators, encoders, at vaccinators.

Bilang parte ng solusyon, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at spokesman Jonathan Malaya na itinalaga ni DILG Secretary Eduardo Año ang local government units (LGUs) ang mga contact tracers upang tumulong kung saan ang mga may medical background ay maaaring magbakuna habang ang mga non-medical personnel ay ilalagay sa data management.

Nitong Biyernes ay ibinaba ng NTF ang target vaccination output nito para sa tatlong araw na vaccination drive, na tinawag na “Bayanihan, Bakunahan,” mula sa 15 million pababa ng 9 million na lamang dahil sa kakulangan sa ancillary supplies, lalo na sa mga hiringgilya.

Magkakaroon naman ng isa pang vaccination drive sa December 15 hanggang 17 upang maabot ang target na 54 milyong fully vaccinated na Pilipino sa pagtatapos ng taon.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.