IATF, inirekomendang isama sa travel ban ang Hongkong; DOH, nagbabala laban sa mas maluwag na alert level
Spread the news on:

Inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagsama sa HongKong  sa listahan ng mga bansang bawal munang pumasok sa Pilipinas.

Ito ang sinabi ni Department of Health Secretary Francisco Duque III para maiwasan ang pagkalat ng Omicron variant, ang bagong diskubreng Covid-19 variant na mula sa South Africa.

Ang pahayag ni Duque ay matapos na magpatupad ang Pilipinas ng travel restrictions sa ilang bansa sa Africa na may Omicron variant at idineklarang “variant of concern” ng World Health Organization.”

Ang mga bansang kasama sa travel ban ng Pilipinas ay ang South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini (formerly Swaziland) at Mozambique.

Sa interview kay Duque ng DZBB noong Sabado, sinabi niya na ipinadala na ng IATF ang rekomendasyon nito sa Malakanyang para isama ang Hongkong sa listahan ng Yellow list countries.

Kasalukuyan kasing nasa Green list countries ang HongKong.

Sa ilalim ng green list countries, pinapayagang makapasok sa bansa ang mga Pilipino at foreigner na mayroong negative RT-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction) test 72 hours bago umalis ng bansang panggagalingan at hindi na sasailalim sa facility-based quarantine.

Samantala, ang mga biyahero namang galing sa bansang kasama sa Yellow List ay kailangang sumailalim sa facility based quarantine sa ikatlong araw para sa fully-vaccinated individuals na may negative RT-PCR test at sa ikalimang araw naman para sa walang RT-PCR test.

“Itong sa HongKong ay pinadala na natin sa Office of the President, kay Secretary Medialdea para aksyunan ito, kasi sa Hong Kong, marami tayong kababayan na gustong magsiuwi, o baka gusto nang makauwi for the holidays, so ‘yan ang pinatutukan natin sa Office of the Secretary,” sabi pa ni Duque.

Sinabi pa ni Duque na wala pang naiuulat na Omicron variant sa bansa base sa sequencing data na ginawa ng Philippine Genome Center at ng Research Institute for Tropical medicine.

Patuloy naman ang koordinasyon ng bansa sa World Health Organization (WHO) para sa pinakabagong impormasyon tungkol sa bagong variant.

Ayon pa kay Duque, bagamat may 30 mutations ang nasabing variant na nakita sa spike protein nito, hindi  naman ito nangangahuluhulugan na mas nakakahawa ito at makaiiwas sa posibleng immune repsonse mula sa mga bakuna.

“Naghahanap pa rin sila ng ebidensya na kung ito ay mas peligroso, kaya ngayon ay nakikipag-ugnayan na tayo sa WHO and antayin natin kung paano ang magiging kinalabasan nitong meeting nila,” sabi pa Duque.

Dahil na rin sa pagkaka-diskubre sa bagong variant ay made-delay muna ang rekomendasyon ng Pilipinas sa WHO na maideklarang “under control” na ang Covid-19 cases sa bansa.

Ito ay habang pinapalakas pa ang border response measure ng basan para makontrol ang pagpasok ng mga biyahero mula sa bansang may Omicron.

Alert Level 2

Samantala, nagbago na rin ang posisyon ni Duque sa panukala na mas paluwagin o pababain pa ang quarantine status ng Metro Manila sa Alert Level 1 dahil na rin sa bagong tuklas na Covid-19 variant.

Sa ngayon ay pabor na si Duque na panatilihin na muna sa Alert Level 2 ang NCR , “to avoid losing the gains” sa Covid response ng bansa.

“‘Yung Alert Level 2, malaki na ‘yung bahagi ng ekonomiya na binuksan natin, ‘wag nating masyadong madaliin…. Mahirap na bibiglain natin, so hinay hinay lang natin, dahil ayaw nating waldasin yung napagtagumpayan na natin,” sabi pa ni Secretary Duque.

(NP)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.