Kampo ni Pang. Duterte, walang balak makipag-alyansa sa kampo ng anak na si Mayor Sara
Spread the news on:

Walang balak makipag-alyansa ang kampo ni Pang. Duterte sa kampo ng anak niyang si Davao City mayor Sara Duterte-Carpio ng Lakas-CMD.

Ang dahilan: si Ferdinand Marcos Jr.

Sa kanyang pagharap sa mga miyembro ng PDP-Laban sa Calapan City, tinanong si Duterte kung bubuo ng alyansa ang Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), kung saan kumakandidato sa pagkapangulo ang kanyang long time aide at ngayo’y senador Bong Go at siya bilang senador; ang kanyang opisyal na partidong PDP-Laban at ang Lakas-CMD.

Ang sagot ng pangulo, “No. No, I cannot. Because andiyan si Marcos, e.”

“Hindi ako bilib (No trust in him) . He is a weak leader. Totoo yan, di ako naninira ng tao. Talangang weak kasi spoiled child, only son,” dagdag ni Duterte.

Bukod dito, sinabi rin ng pangulo na ‘may bagahe’ si Marcos.

“Pero sabihin mong may crisis, he is a weak leader. At saka may bagahe siya.”

Nitong Huwebes, Nov. 18, isang presidential aspirant ang inakusahan din ni Duterte na nagdo-droga at ang gamit pa ay cocaine.

Gayong hindi pinangalanan, ilang sektor ang naniniwalang si Marcos ang kanyang pinatutungkulan dahil sa ilang clue mula sa kanyang mga sinabi at ang timing nito.

Isa na rito ay ang ama ng nasabing presidential aspirant ay siyang maraming nagawa para sa bayan pero hindi ang anak.

Ginawa rin ni Duterte ang pahayag matapos na madismaya sa anak niyang si Sara na sa halip tumakbong pangulo sa 2022 ay pumayag na maging vice presidential running mate ni Marcos.

Magkaalyado sa pulitika sina Duterte at mga Marcos noong 2016 presidential elections.

Limang buwan matapos mahalal bilang presidente si Duterte, ang ilang dekadang usapin sa paglilibing sa labi ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan Ng Mga Bayani ay nangyari sa ilalim ng kanyang administrasyon noong November 18, 2016.

 

(NP)

 

 

 

 

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.