SRP sa karneng baboy, ipatutupad ng Dept. of Agriculture
Spread the news on:

(Photo courtesy: da.gov.ph)

Maglalabas ng Suggested Retail Price o SRP sa karneng baboy ang Department of Agriculture para mapigilan ang pagtaas ng presyo nito sa mga palengke habang papalapit ang holiday season.

Ayon kay Sec. William Dar, base sa kanilang monitoring sa 11 palengke nasa P40.00 na ang itinaas sa presyo ng kada kilo ng laman ng baboy.

Mula aniya sa P280 noong October, nasa P320 kada kilo na ngayong November habang sa Quinta Market nasa P340 na kada kilo ng kasim at P350 naman sa Liempo.

Sinabi pa ni Dar na nakikita nilang dahilan ang kakulangan ng produksiyon ng baboy dahil sa African swine fever at mataas na presyo ng feeds na pagkain ng baboy.

Bukod dito, kaya hindi rin aniya gaanong nararamdaman ang maraming suplay ng imported na baboy ay dahil sa kakulangan ng freezer ng mga LGUs na maaaring pag-imbakan ng mga frozen pork.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang DA sa mga LGU ng Quezon City, Marikina, Valenzuela at Paranaque para sa pagkakaloob ng mga freezer na pagbabagsakan ng mga frozen pork na mas mababa ang presyo.

Samantala, naniniwala naman si Sec. Dar na hindi mauwi sa pork holiday, o hindi pagbebenta ng karneng baboy,  ang ipatutupad nilang suggested retail price.

Ayon kay Dar, titiyakin ng kagawaran na magiging win-win solution para sa mga vendor at consumer ang ilalabas na SRP.

Kumpiyansa ang kalihim na hindi na mauulit ang pork holiday dahil sa nagnanais ding kumita ng mga magbababoy at mga vendors.

Paliwanag ng kalihim, ilalahad ng DA ang lahat ng impormasyon upang makita ang basehan sa ilalabas nilang SRP.

Sinabi pa ni Sec. Dar na kailangang magkaroon ng abot kayang presyo ng karneng baboy lalo na sa holiday season.

(Dong del Mundo)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.