Sining at kultura ng Cordillera, tampok sa Ibagiw Creative Festival 2021 sa Baguio City
Spread the news on:

Matagumpay na inilunsad ng lungsod ng Baguio ang Ibagiw Creative Festival 2021 sa pamamagitang ng opening program sa Baguio Convention Center kahapon, Nov. 12.

Panauhing pandangal sa pagtitipon ang ama ng lungsod na si Mayor Benjamin Magalong.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Magalong na ang Ibagiw ay ang natatanging paraan ng Baguio para ipagsigawan sa mundo na nananatili itong malakas at matatag sa gitna ng mga hamon ng panahon, gaya ng pandemiyang dulot ng COVID-19.

Nanawagan din siya sa lahat na patuloy na ipagdiwang ang mga bunga ng pagiging malikhain ng mga taga Baguio at ng buong Cordillera.

Ang programa ay tinampukan ng mga tradisyunal na pagtatanghal at ng isang narrative dance performance ng Tayaw Sampaguita.

Ang Ibagiw Creative Festival ay bahagi ng mga layunin ng Baguio bilang isa sa mga UNESCO creative cities for crafts and folk art.

Ito ang ikaapat na taon ng Baguio bilang creative city.

Isang contemporary art exhibition, ang Alimuom, ang tampok sa maraming nakalinyang aktibidad ng Ibagiw ngayong taon kung saan humigit-kumulang 80 alagad ng sining ang nakikilahok.

Ang kanilang mga obra ay naka-display ngayon sa basement gallery ng Baguio Convention Center. Tatagal ang exhibit hanggang Dec. 12.


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.