May rollback sa presyo ng produktong petrolyo bukas, Nov. 9
Spread the news on:

Matapos ang mahigit dalawang buwan na dagdag-singil sa presyo ng produktong petrolyo, may rollback ang mga kumpanya ng langis epektibo bukas, Martes, Nov. 9.

May bawas na P0.60 kada litro sa presyo ng diesel, nasa P1.00 kada litro naman sa gasolina at P0.65 kada litro sa kerosene.

Nauna nang nag-abiso ang kumpanyang Caltex, PetroGazz, Seaoil, Pilipinas Shell, PTT Philippines at Cleanfuel sa pagpapatupad ng rollback mamayang 12:01 a.m, meron din bukas ng 6:00 a.m at bandang 8:01 a.m.

Bago ang rollback, nagkaroon ng sampung linggong sunod-sunod ang dagdag-singil sa gasolina.

Mula Aug. 31 hanggang Nov. 2 umaabot sa P9.50 ang karagdagang singil ng gasolina.

Ito naman ang ikalawang sunod na linggong nagkaroon ng rollback sa presyo ng diesel at kerosene.

Dahil din sa serye ng dagdag-singil sa presyo ng mga produktong petrolyo, nanawagan ang mga jeepney driver para sa subsidiya at ayuda.

Sa kabilang banda, ngayong araw, Nov. 9,  ay nilagdaan na ni Department of Transportaion Secretary (DOTr) Art Tugade ang tripartite Memorandum of Agreement sa pagitan ng DOTr, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LFRB) at Landbank of the Philippines ang P1 bilyong fuel subsidy.

Ayon pa kay Tugade, nasa 136,230 kwalipikadong jeepney drivers ang makatatanggap ng nasabing subsidiya.

(NP)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.