15 national roads sarado dahil sa bagyong Maring at tropical depression Nando
Spread the news on:

(Photo courtesy: DPWH)

Sarado ang 15 national roads sa bansa dahil sa pananalasa ng bagyong Maring at tropical depression Nando, ayon sa Department of Public Works and Highways Bureau of Maintenance (DPWH-BOM).

Hindi madaanan ng mga motorista ang walong (8) national road sections sa  Cordillera Administrative Region (CAR), apat  (4) sa Region 1, dalawa (2) sa Region 2 at isa  (1) sa Region 7 dahil sa nagbagsakang mga puno at nasirang mga tulay.

Tinukoy ng DPWH-BOM ang mga apektadong kalsada.

Kabilang dito ang Kennon Road, Camp 1 sa Tuba, Benguet; Baguio-Bontoc Road sa Caliking, Half Tunnel at Cattubo, Atok, Benguet; Asin-Nangalisan -San Pascual – La Union Boundary Road sa Lasong at First Tunnel sa Sipitan, Tadiangan Town, Benguet dahil sa nagbagsakang puno at pagguho ng lupa.

Sarado rin ang Apayao-Ilocos Norte Road, Butao, Calanasan, Apayao dahil sa landslide.

Gayundin ang Pico – Lamtang Road, Lamtang, La Trinidad, Benguet; Gov. Bado Dangwa National Road sa Poblacion at sa Palina, Kibungan, Benguet; Cong. Andres Acop Cosalan Road, sa Amlimay at  Abatan, Buguias, Benguet;  Abatan-Mankayan-Cervates Road at Dowag, Guinaoang, Mankayan dahil sa bumagsak na puno at pagguho ng lupa;

Sa Region 1, hindi rin madaanan ang Manila North Road sa Brgy. Sacuyya, Santa at Bayugao Bridge, Sta Cruz, Ilocos Sur dahil sa landslide at nasirang tulay.

Wala rin makadaan sa San Juan – San Gabriel Road at Luna – Bangar Road sa La Union dahil sa pagbaha at landslide at sa Rosario – Pugo Road, Brgy. Ambalite, Pugo, La Union dahil naman sa mudslide.

Ang mga apektado namang kalsada sa Region 2 ay ang Baybayog-Baggao-Dalun-Sta. Margarita Road, Abusag Overflow Bridge, sa Cagayan at Cabagan-Sta. Maria Overflow Bridge, Cabagan Sta. Maria, Isabela na mataas ang level ng tubig.

Ang mga kalsada na maaari lamang daanan ng malalaking sasakyan ay ang Manila North Road sa Sta. Cruz-Sta. Lucia sa Candon; Brgy. Baliw Daya, Sta Maria at sa Brgy. Nanguneg, Narvacan, sa probinsya ng Ilocos Sur; at Manila North Road, sa La Union.

Sa Region 7, iniulat ang saradong kalsada sa bahagi ng Cebu-Toledo Wharf Road, Brgy. Manipis, Talisay City, Cebu dahil sa pagguho ng lupa at mga bato.

Samantala, sa Calabarzon naman, nadadaanan pa ang Batangas-Tabangao-Lobo Road ng maliliit na sasakyan dahil sa nasirang seawall at road slip ng nagdaang bagyo.

(Jocelyn Domenden)

 

 

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.