(Photo Courtesy: Screengrab from PTV FB)
Isinusulong ng Department of Science and Technology (DOST) ang paggamit sa Virgin Coconut Oil (VCO) at Lagundi bilang “adjunct therapy” lamang para sa mga may mild Covid-19 cases.
Ito ay base na rin sa ginawang pag-aaral na kinomisyon ng Department of Science and Technology (DOST).
Sa virtual forum noong Biyernes, September 24, sinabi nina Dr.Cecilia C. Marambe Lazarte, director ng UP-Manila National Institute of Health at Dr. Imelda Agdeppa ng DOST-Food and Nutrition Research Institute na ang paggamit ng VCO at Lagundi ay nagpapabuti ng bisa ng mga bakuna sa COVID-19.
Ibinahagi ni Agdeppa na ang paghahalo ng VCO sa pagkain ng mild COVID-19 patients na sumali sa kanilang pag-aaral ay nakatulong na mabawasan ang iniuulat na mga senyales at sintomas kung saan nawala ang sintomas sa ika-18 araw.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Lazarte na ang resulta ng pag-aaral ay nagpapakita nang hindi gaanong pagkakaiba sa clinical recovery time ng mild COVID-19 patients na binigyan ng 600 milligrams (mg) ng Lagundi formulation kada araw kumpara sa placebo group o sa mga hindi nabigyan ng Lagundi.
Ipinapakita rin na ang pasyente na nabigyan ng Lagundi ay may average clinical recovery days ng 8.62 habang ang placebo group’s average ay 7.51.
Sa Lagundi group, ang average na nakarekober sa ubo ay matapos ang anim na araw habang sa placebo group ay nakarekober matapos ang 5.4 na araw.
Samantala, ang clinical recovery sa throat discomfort, ay nararamdaman ng Lagundi group pagkatapos ng 3.8 araw at 4.1 araw para sa placebo group.
Ang parehong pasyente sa Lagundi at placebo groups ay hindi humantong sa moderate o severe cases.
Ang Adjuvant therapy o kilala na adjunct therapy ay ibinibigay bilang karagdagan sa pangunahin o paunang therapy ng isang pasyente.
Hindi rin ito ang pangunahing gamot para sa sakit.
(Jocelyn Domenden)
Leave a Reply