G! WITH RIZZA DIAZ : G FOR GOLD!
Spread the news on:

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakasungkit ang Pilipinas ng gold medal sa Olympics matapos magtagumpay si Hidilyn Diaz sa women’s 55kg weightlifting division sa Tokyo 2020 kagabi.

Kasabay ng buong-lakas na pag-angat ni Diaz sa 127 kilo na barbell ay inangat niya rin ang buong Pilipinas sa tagumpay.

Makalipas ang 97 mahabang taon, sa wakas ay nakakuha rin ng gintong medalya ang ating bansa sa Olympics.

Kahit si Diaz ay aminado na minsan na rin niyang inisip na suntok sa buwan ang manalo ng gold o ang matuloy ang Tokyo 2020 dahil na rin sa pandemya, pero siya mismo ang nagpatunay na lahat ay posible.

Ito na ang ika-apat na beses ni Diaz sa Olympics pero hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan.

Noong 2019 nang humiling siya ng suporta para sa sports sa Pilipinas ngunit imbes na suporta ang makuha ay pangungutya ang kanyang natanggap.

Mas masakit pa dahil ang ilang masasakit na komento ay galing pa sa mga opisyal, ganoon pa man ay patuloy sa pagtatrabaho si Diaz.

At ang pinakamasaklap, napasama pa ang kanyang pangalan sa isang matrix ng mga taong gusto umanong pabagsakin ang Duterte administration na inilabas noong 2019 ni chief presidential legal adviser Salvador Panelo.

Pero, pinatunayan ni Hidilyn na kaya ng Pilipino ang kahit anong pagsubok.

At kahit pa sa gitna ng pandemya ay magtatagumpay tayo basta may tiyaga, determinasyon at pananampalataya sa panginoon.

Sa sandaling panahon, ang bansang lugmok na dahil sa pandemya ay nabuhayan ng loob at nagkaroon ng rason para makalimutan ang kanilang mga alalahanin kahit pansamantala.

Maraming salamat, Hidilyn! Maraming salamat sa pagbuhat sa buong Pilipinas sa tagumpay!


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.