G! WITH RIZZA DIAZ : PUSO!
Spread the news on:

Higit sa battlecry, puso ang isang bagay na kailanman ay hindi masusukat ng ating mga kalaban sa kahit anong torneyo na salihan ng ating Gilas Pilipinas.

Sa nakalipas na FIBA Asia Cup Qualifiers hanggang sa FIBA Olympic Qualifying Tournament ay ipinakita ng ating national team ang pusong palaban ng Pilipino – hindi patitinag, hindi susuko.

Ginulat ng batang Gilas Pilipinas ang mundo nang pataubin nila ang South Korea sa third and final window FIBA Asia Cup Qualifiers. Tila mahirap itong tanggapin para sa heavily-favored South Korea kaya naman sinabi ng coach Cho Sang Hyun na “lucky shot” ang buzzer-beater game-winning shot ni SJ Belangel.

Nang lumabas ang balitang ito, mas lalong nabuhayan ng dugo ang ating mga pambato at si coach Tab Baldwin na bumwelta, “I don’t expect that we will be going out there to make friends [with them].” To the rescue sa social media ang mga Pilipino netizens at ipinagtanggol si SJ na para bang anak o nakababatang kapatid nila.

Si RJ Abarrientos ay nakakamangha rin. Hindi pa man siya nakakalaro sa UAAP ay walang takot na nakipagsabayan sa ilan sa pinakamagagaling sa Asia at sa mundo.

Nariyan din sina Dwight Ramos, Justine Baltazar, Jordan Heading at Isaac Go na tahimik na nagtatrabaho pero napakalaki ng ambag para sa koponan.

Pinatunayan ni teen sensation Kai Sotto na siya nga ang kinabukasan ng Philippine basketball. Sa edad na 19 ay hindi natakot sa mas matatandang player, hindi siya pumayag na mabully o mamain ng kanyang mga kalaban.

Ang ating kababayan na si Ange Kouame ay buong pusong lumaban para sa bayan. Walang bahid ng pagdududa, isa siyang Pilipino.

Marami ang nagpuyat at nag-abang sa mga laro sa FIBA OQT at sinulit ito ng Gilas Pilipinas dahil nakipagsabayan sila sa Serbia. Ginulat at pinakaba nila ang world No.5. Nagpakilala ang Gilas Pilipinas kaya naman sa sumunod na laban, pinaghandaan silang mabuti ng Dominican Republic dahil alam nilang hindi nakikipaglaro ang Gilas Pilipinas, nandoon sila para lumaban.

Nakakatuwang isipin na sa panahon ng pandemya ay nagkaroon ng rason para tayo ang ngumiti, makalimutan ang ating mga alalahanin kahit sa sandaling oras lamang. Dahil sa Gilas Pilipinas ay muling nagkaisa ang mga Pilipino saan mang sulok ng mundo.

At kahit kinapos at di natin nakuha ang pinapangarap na paglahok sa Tokyo Olympics ngayong taon.. isang malaking pagkapanalo na para sa ating bansa na nakita silang lumaban ng buong puso at tapang. Muli maraming salamat Gilas!

 

(Photo courtesy: FIBA FB/Samahan Basketbol ng Pilipinas)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.