2 INDIBIDWAL, INARESTO NG NBI DAHIL SA PAMEMEKE NG MGA DOKUMENTO
Spread the news on:

Inaresto ng National Bureau of Investigation -International Airport Investigation Division (NBI-IAID) ang dalawang indibidwal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa paggamit ng palsipikadong dokumento gaya ng pekeng COVID-19 test result.

Ang mga naaresto ay kinilala ni NBI Officer-in-Charge (OIC)- Director Eric B. Distor na sina Gretchen Ablan at Arbaya Lintukan Mukamad alyas Sandra Lipoles .

Si Ablan ay papuntang Dubai, UAE bilang turista nang idaan sa secondary inspection matapos madiskubre na siya ay dating na-off-load noong April 22, dahil sa misrepresentation.

Nang kwestyunin ng mga otoridad,  sinabi nito na bibisitahin lang niya ang kanyang mister na si Joey Damasco Manaligod at nagpakita ng kopya ng passport bio-page at UAE Visa sticker ni Manaligod.

Dahil sa pagkakaiba at mga binago sa mga dokumento na naiiba sa nakalarawan sa Central Query Support System ng Bureau of Immigration, umamin din si Ablan na hindi siya kasal at hindi niya kilala si Manaligod.

Inamin din nito na ang kanyang mga dokumento ay ipinadala ng kanyang recruiter sa pamamagitan ng ibang tao sa Baclaran, Paranaque City.

Maging ang COVID-19 Test report na inisyu ng Dagupan Doctors Villaflor Memorial Hospital na nakapangalan sa kanya ay pineke rin.

Ayon kay Ablan hindi siya sumailalim sa anumang COVID-19 test.

Nang beripikahin ang ospital, nadiskubre na hindi lumabas sa listahan ng kanilang pasyente ang pangalan ni Ablan.

Samantala, palipad naman patungong Saudi Arabia via Saudi Airlines si Mukamad nang maharang sa immigration para sa ilang mga katanungan nang mabuking ang ilang hindi tugmang impormasyon sa kanyang dokumento.

Mahaharap sa kasong paglabag Art. 172 in relation to Art. 171 of the Revised Penal Code (Use of Falsified Documents) si Ablan, habang si Mukamad naman ay kakasuhan ng paglabag sa Philippine Passport Act of 1996.

Kapwa isinalang na sa Inquest proceedings sa Pasay Prosecutor’s Office and dalawa.

(Jocelyn Domenden)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.