65% NG MGA PINOY, NANINIWALANG DAPAT ISAPUBLIKO ANG TUNAY NA KALUSUGAN NG PANGULO
Spread the news on:

65% ng mga Pinoy ang naniniwala na usaping pampubliko ang kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey.

Ginawa ang survey noong September 17 hanggang 20 kung saan napag-alaman din na 32 percent naman ng mga sinerbey ang nagsasabing pribadong usapin ang kalusugan ng Pangulo.

Nasa 1,249 adult Filipinos ang kasama sa nasabing survey.

Ang eksaktong tanong: “Alin sa dalawang pangungusap na ito ang pinakamalapit sa inyong opinyon tungkol sa lagay ng kalusugan ni Pang. Duterte?”

Pinagpilian ang pribadong usapin, at pampublikong usapin sa nasabing tanong.

Ang resulta ng survey nitong 2020 ay mas mataas ng apat na puntos mula sa mga nagdaang kaparehas na survey noong December 2019 at September 2018 kung saan parehas na 61% ang nagsabing pampublikong usapin ang kalusugan ng Pangulo.

Mas maraming Filipino sa Visayas ang naniniwala na pampublikong usapin ang kalusugan ni Duterte na umabot sa 69%, sumunod naman ang Metro Manila 65 %, at Balance Luzon at Mindanao na parehong nakakuha ng 64 percent.

Base sa survey, mas maraming may mataas na antas ng edukasyon ang sumagot na dapat isapribado ang usapin sa kalusugan ng Pangulo.

(Toni Tambong)

Photo courtesy: http://sws.org.ph


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.