PGH, NANAWAGAN NA ILIPAT SA IBANG REFERRAL CENTERS ANG ILANG PASYENTE DAHIL SA TUMATAAS NA KASO NG COVID-19 SA OSPITAL
Spread the news on:

Nanawagan ang pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) na ilipat sa ibang referral centers ang ilang pasyente dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa naturang ospital.

Apela ni PGH Spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, baka pwedeng ilipat ang mga pasyente kung sakaling may bakante na sa ibang COVID referral centers dahil kawawa aniya ang mga pasyente na non-COVID sa PGH.

Paliwanag ng tagapagsalita, kapag lumalaki ang COVID operations, lumiliit naman ang kapasidad ng non-COVID operations.

Ginawa ng PGH ang panawagan matapos na may magpositibo sa South African variant na isang pasyente sa ospital.

“Wala pong severely ill, all are mildly symptomatic and some are asymptomatic. We have to recalibrate our measures, maaaring may mga areas na naging lax ang mga tao, so lahat ‘yan pinag-aaralan,” ayon pa kay Del Rosario sa isang panayam sa telebisyon.

“It’s a red flag and as you know, ‘yung South Africa variant is something na napapabalita na easily transmissible right, very contagious, so we want to make sure na ma-contain talaga namin,” dagdag ni Del Rosario.

Gayunman, nilinaw ng PGH na hindi pa ‘overwhelmed’ ang ospital ngunit nagsisimula nang tumaas ang kaso ng COVID-19.

Sa ngayon aniya ay mayroong naka-confine na 105 pasyente sa PGH sa charity ward nito habang 200 ang kapasidad sa pay ward at may limitadong kapasidad ng intensive care unit (ICU).

“Hindi naman kami napanghihinaan ng loob. Siyempre napapagod din, I’m sure ayaw nating ma-overwhelm ulit ‘yung healthcare system kagaya ng nangyari noon na kailangan pa ng time out,” dagdag pa ni Del Rosario. (Jocelyn Domenden)

(Photo Courtesy: up.edu.ph)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.