PANDAIGDIGANG ARAW NG MGA KABABAIHAN
Spread the news on:

Ipinagdiriwang ngayong March 8 ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

Ang petsang ito ay isang espesyal na araw para sa mga kababaihan na nagsimula sa isang labor movement noong 1908.

Ito ay nagsimula nang magsagawa ng kilos-protesta ang 15,000 na kababaihan sa New York City para hilingin at ipanawagan ang mas maikling oras sa trabaho, tama at patas na sahod, at karapatang bumoto.

1909 naman nang ideklara ng Socialist Party ng Amerika ang kauna-unahang National Woman’s Day.

Noong 1910, ang ideya sa pagkakaroon ng international day para sa kababaihan ay pinag-usapan sa International Conference of Working Women na isinagawa sa Copenhagen sa pangunguna ng aktibista at women’s rights advocate na si Clara Zetkin.

Mahigit 100 kababaihan mula sa 17 bansa ang dumalo sa nasabing pagtitipon at napagkasunduan ang mungkahi na magkaroon ng international women’s day.

Ang unang international women’s day ay ipinagdiwang noong 1911 sa Austria, Denmark, Germany, at Switzerland.

Ang sentenaryo ay ipinagdiwang noong 2011, kaya ngayong taon ay ipinagdiriwang ang ika-110th International Women’s Day.

Ang selebrasyon ay naging opisyal noong 1975, nang simulang ipagdiwang din ng United Nations ang araw na ito.

Pero opisyal na kinilala ng UN ang Women’s Day noong 1977 — ang araw para sa pagtataas ng kamalayan ukol sa kababaihan at mga isyung kanilang kinakaharap.

Sa paglipas ng panahon, nasaksihan na ng mundo ang ilang makabuluhang pagbabago, hindi lang sa imahen ng kababaihan bilang mahalagang bahagi lipunan, kundi maging sa pananaw nito kaugnay ng pagkakapantay-pantay ng karapatan ng mga babae sa mundo.

Marami sa mga nakababatang henerasyon ang nagsasabing naipanalo na ng kababaihan ang laban para sa pagkakapantay-pantay o equality, pero maraming feminist groups pa rin ang nagsasabing malayo at masalimuot pa ang daang tatahakin ng mga babae upang makawala sa gapos ng ‘patriarchy’ o pangingibabaw ng kalalakihan sa lipunan.

Sa kabila nito, unti-unti na ring naigigiit ng kababaihan ang kanilang karapatan, husay, impluwensya, at ambag sa lipunan tungo sa inaasam na tunay na pagkakapantay-pantay. (ZCH)

(Photo Courtesy: internationalwomensday.com)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.