SEC. NOGRALES: QUARANTINE STATUS SA ABRIL, IBABATAY SA PAGTAAS NG BILANG NG KASO NG COVID-19 NGAYONG MARSO
Spread the news on:

Ikokonsidera ang lumalala at lumolobong kaso ng COVID-19 sa bansa sa ipatutupad na quarantine classification sa Abril.

Ibig sabihin, ibabase sa mga kaso ng COVID-19 ngayong Marso kung isasailalim ba ang buong bansa sa modified general community quarantine (MGCQ), ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Matatandaang hiniling ng National Economic and Development Authority kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong Pebrero na ipasailalim na ang buong bansa sa MGCQ upang makabangon ang nalugmok na ekonomiya dahil sa pandemya.

Pero tinanggihan ito ng pangulo dahil hindi pa noon dumarating ang mga bakuna at nitong Pebrero 28 pa lamang natanggap ng bansa ang unang bakuna laban sa COVID-19.

“Mino-monitor natin yung mga nangyayari ngayon na pagtaas ng bilang sa Pasay City at iba pang areas ng Metro Manila. Siyempre yung genome sequencing na kailangan natin gawin lalo na sa Metro Manila para ma-detect natin yung binabantayan natin na South African at UK coronavirus variants, at yung sinasabi na dalawang worrisome na variants,” pahayag ni Nograles.

“So imo-monitor natin buong March itong mga kaso and obviously, yan ang magiging basis natin para sa recommendations natin for April,” paliwanag pa ng kalihim.

Halos palapit na sa 600,000 ang kabuuang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa at mahigit 12,000 na ang naitalang namatay.

Tiniyak naman ng gobyerno na natutugunan ng iba’t ibang ahensiya ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 lalo na’t dumating na libo-libong doses ng mga bakuna.

“Hindi naman tayo dependent sa Pfizer. Meron tayong nakuhang Sinovac vaccine, AstraZeneca, at may darating pa. So far, the whole month of March, may mga parating na mga vaccines pa,” ayon pa kay Nograles.

“And then si Secretary Carlito Galvez, kung matutuloy man yung trip niya sa India, whether or not matuloy yung trip niya sa India, yung close coordination naman niya sa SII, yung Serum Institute of India, para naman sa Novavax pati sa karagdagang stock din ng AstraZeneca,” dagdag pa ng kalihim.

Ngayong Linggo, Marso 7, inaasahan ang pagdating ng karagdagang 38,400 doses ng AstraZeneca vaccines. (Toni Tambong)

(Photo Courtesy: Karlo Nograles FB Page)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.