INTERNATIONAL TRAVEL PROTOCOLS, DAPAT MULING PAG-ARALAN DAHIL SA PAGTAAS NG KASO NG COVID-19 AYON SA OCTA GROUP
Spread the news on:

Dapat umanong i-reassess o muling suriin ng pamahalaan ang ipinatutupad na international travel protocols sa bansa, ayon sa UP-OCTA Research.

Ito’y sa gitna ng patuloy na pagtaas ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at ang pagtaas rin ng bilang ng mga natutuklasang bagong variant ng virus sa bansa.

Ayon kay Prof. Guido David, sa virtual media forum ng Balitaan sa Tinapayan, napansin nila na nakakapasok na sa Pilipinas ang mga bagong variant na dati naman ay walang kasong naitatala sa bansa.

Aniya, mas malaking problema ang kakaharapin ng bansa kung sakaling makapasok na rin ang iba pang mas mapanganib na variant ng COVID-19 tulad ng Brazilian variant na ayon sa ilang ulat ay mas nakahahawa maging sa mga taong gumaling na sa COVID-19.

Paliwanag ni David, hindi naman sinasabing mag-isyu ng international travel ban ang gobyerno dahil naiintindihan nila na may returning overseas Filipinos o ROFs na kailangang bumalik sa bansa.

Pero aniya, baka kailangan na maging mas istrikto ulit ang mga ipinatutupad na travel protocol lalo na sa mga bumibiyahe mula sa ibang bansa.

Mungkahi ni David, pwedeng mag-14 day mandatory quarantine kahit na negatibo sa resulta ng RT-PCR.

“Hindi naman sinasabi  na yan ang gagawin ng national government pero pag-isipan mabuti, pag-aralan ang mga protocols kung saan nagkakaroon siguro ng gaps or leak kung paano nakakapasok itong mga variant sa bansa natin.” pahayag ni David.

Samantala, inirerekomenda rin ng OCTA research na higpitan ang travel restriction at kontrolin ang pampublikong transportasyon.
 
Iminungkahi rin na patigilin muna ang mga leisure activities o paglilibang, kahit na ilang linggo lamang.

Hinikayat din na magbawas muna ng tao sa mga opisina at gawin na lamang ang work from home scheme, lalo sa pribadong sektor, upang mabawasan ang mga taong lumalabas.

Payo rin ng grupo sa publiko na iwasan ang paglabas lalo na kung hindi naman mahalaga ang gagawin para maiwasang mahawa sa virus lalo na sa mga naitalang high risk areas o mga hot spots.

Sinabi pa ng OCTA na mas mainam na magpatupad ng localized lockdown ang mga local government units kapag may nakitang pagtaas na ng kaso sa kanilang lugar.

Ayon kay David, ito ang nakikitang paraan upang mapigilan ang pagbugso ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. (Jocelyn Domenden)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.