‘MADUGONG’ KASAYSAYAN NG ARAW NG MGA PUSO
Spread the news on:

Nakaugalian na ng karamihan sa tuwing sasapit ang February 14 ay ipinagdiriwang ang Valentine’s Day o Araw ng mga Puso.

Itinuturing itong isang selebrasyon ng pag-ibig at pagmamahalan, na karaniwang idinaraos ng mga magsing-irog o magkasintahan.

Karaniwang simbolo ng Valentine’s Day si Kupido at ang mga pulang puso ng pag-ibig.

Pero, alam n’yo bang sa likod ng masayang pagdiriwang tuwing Valentine’s Day ay isang malungkot at madugong kasaysayan ang pinagmulan nito?

Hindi tiyak kung saang bansa tunay na nag-ugat ang selebrasyon ng Valentine’s Day.

Pero ayon sa ilang historyador, posibleng nagsimula ito sa sinaunang Roma.

Noong 3rd century A.D., ipinagdiriwang sa Roma ang tinatawag na feast of Lupercalia tuwing Pebrero 13 hanggang 15, kung saan pumapatay ng isang kambing at aso ang mga lalaki bilang sakripisyo o alay sa mga Diyos.

At ang mga balat ng mga pinatay nilang hayop ang siya namang ginagamit bilang latigo na ipinanghahampas naman sa mga kababaihan.

Ayon sa historian na si Noel Lenski ng University of Colorado, karaniwang kaakibat ng naturang selebrasyon ang pag-inom ng alak, at paghuhubad, kung saan pumipila pa ang mga babae para mahampas sila ng mga lalake, sa paniniwalang magiging fertile ang mga ito.

Nagsasagawa rin sila ng matchmaking lottery kung saan binubunot ng mga lalake ang pangalan ng mga babaeng makakapareho nila mula sa isang garapon.

Ayon pa sa mga historyador, posibleng nagmula ang Valentine’s day sa dalawang lalaking parehong nagngangalang Valentine na ipinabitay ni Emperor Claudius II.

Parehong binitay ang dalawang lalaking Valentine noong February 14 sa magkaibang taon noong 3rd century A.D., at kalaunan ay kinilala bilang mga martir ng Simbahang Katolika. (Hazel Pajanostan/OB)

(Photo Courtesy: Dnalor 01 (Own work), CC BY-SA)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.