PAGKUMPIRMA KUNG MAY BAGONG STRAIN NG COVID-19 SA BANSA, AABUTIN PA NG 14 NA ARAW
Spread the news on:

Sa susunod na dalawang linggo o paglipas ng 14 na araw pa malalaman kung may nakapasok na sa Pilipinas na bagong strain ng covid-19 na unang natuklasan sa United Kingdom.

Ayon kay Dr. Cynthia Saloma, executive director ng Philippine Genome Center, kasalukuyan na nilang sinusuri ang samples ng mga pasyenteng naospital dahil sa covid-19 noong Nobyembre at Disyembre, kasama na ang mga biyahero na nagpositibo sa virus.

“Siguro ‘yong definite na maisasagot ko is probably middle of January or first week of January ay malalaman natin kung meron tayo o wala,” wika ni Saloma.

Pinayuhan din ni Saloma ang publiko na paghandaan na ang posibleng pagpasok sa bansa ng naturang virus na sinasabing 70% mas nakakahawa sa karaniwang covid-19.

“Sa palagay ko, itong virus papasok at papasok ito sa ating bansa. Kailangan lang po na pag-igihan natin ang border controls para hindi tayo ma-overwhelm,” giit pa ni Saloma.

Batay sa paunang pag-aaral, sinabi ni Saloma na nakakahawa nga ang bagong strain ngunit hindi naman malala ang sintomas na dulot nito.

Nagpatupad na ang Pilipinas ng travel ban sa mga biyahero mula United Kingdom at 19 pang bansa upang mapigil ang pagpasok ng bagong strain ng covid-19. (AI/FC/MTVN)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.