BOC: POSIBLENG KASUHAN ANG NAGPASOK NG COVID-19 VACCINE NA GINAMIT SA PSG
Spread the news on:

Posibleng maharap sa kasong kriminal at administratibo ang mga sangkot sa pag-aangkat at pagpasok ng bakuna kontra covid-19 na ginamit sa mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG).

Ipinahayag ni BOC assistant commissioner at spokesperson Philip Vincent Maronilla, na wala silang natanggap na anumang pormal na komunikasyon ukol sa importasyon ng mga bakuna.

“Yun po ‘yung amin ngayong tinitignan sa aming mga records pero so far as vaccines being brought in for, again, the use of general public, wala pong na-communicate sa amin at wala pong na-indicate sa amin na instructions na ganon,” pahayag ni Maronilla.

Paliwanag pa ni Maronilla, dapat may permiso mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang lahat ng covid-19 vaccines na papasok sa bansa. Pero una nang sinabi ng FDA na wala pa silang pinapayagang bakuna laban sa covid-19 sa bansa.

“Pag ganyan pong mga klaseng produkto, kailangan po namin ng license to operate coming from the FDA or any provisional authority coming from the FDA,” dagdag pa ni Maronilla.

Iginiit din niya na malinaw na kaso ito ng smuggling kung mapapatunayang nakapasok ang bakuna nang walang pahintulot ng pamahalaan.

Tinitingnan na ng BOC ang posibilidad na nakapasok ang bakuna sa pamamagitan ng air freight. Posible rin umano na militar ang nagpasok ng bakuna sa bansa. (IA/FC/MTVN)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.