PRRD: HINDI PRAYORIDAD NG MGA VACCINE MAKER ANG PILIPINAS DAHIL HINDI MAYAMAN ANG BANSA
PRRD: HINDI PRAYORIDAD NG MGA VACCINE MAKER ANG PILIPINAS DAHIL HINDI MAYAMAN ANG BANSA
Spread the news on:

Hindi prayoridad ang Pilipinas na mapagbentahan ng bakuna para sa covid-19 dahil hindi mayaman at walang impluwensiya ang bansa.

Ito ang iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng isyu na sumablay si Health Secretary Francisco Duque III sa negosasyon sa Pfizer sa pagbili ng 10 milyong dose ng bakuna para sa bansa.

“Second fiddle nga tayo, it’s because ‘yung mga mayaman na doon pa ginagawa sa kanila ang vaccine, kagaya ng Pfizer, uunahin talaga ang Amerika,” wika ni Duterte.

Ayon pa kay Duterte, walang nakalaang bakuna ang Pfizer para sa Pilipinas at hindi pa malaman kung kaya nitong mag-supply sa bansa ng gamot para sa covid-19.

Iginiit din ng Pangulo na si vaccine czar Carlito Galvez lang ang tanging opisyal na hahawak sa mga transaksiyong may kaugnayan sa pagbili ng bakuna.

Nanawagan si Duterte sa publiko na magtiwala sa kanyang mga desisyon at mga pagkilos para maresolba ang problemang dulot ng covid-19.

Tiniyak naman ni Budget Secretary Wendel Avisado at Finance Secretary Carlos Dominguez na may sapat na pondong pambayad sa mga bibilhing bakuna.

Samantala, nakapagtala ang DOH ng 1,314 na bagong kaso ng tinamaan ng covid-19 kaya’t umakyat na sa 462,815 ang kabuuang bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus.

Ang Quezon City ang siyang nagtala ng pinakamaraming kaso na may 93, kasunod ang Rizal, 89; Benguet, 78; Bulacan, 61; at Davao City, 60.

Nagtala din ang DOH ng 247 na bagong gumaling at 66 ang pumanaw ngayong araw.

Nasa 24, 375 na lang ang bilang ng mga aktibong kaso, o ‘yung mga ginagamot o nagpapagaling pa sa covid-19. (AI/FC/MTVN)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.