SEN. BONG GO, NANAWAGAN NG PAGKAKAISA SA ISYU NG PAG-ANGKAT NG COVID-19 VACCINE
Spread the news on:

Nanawagan ng pagkakaisa si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa lahat ng ahensiya ng gobyerno kaugnay sa pag-angkat ng COVID-19 vaccines sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng bansa.

Sa isang pahayag, hinimok ni Go ang mga public officials na iwasan ang pagtuturo o sisihan at sa halip ay magtulungan na lamang para mapatupad ang pangkalahatang solusyon para malagpasan ang krisis at matulungan ang mga Pilipino na agad makarekober sa dinaranas na hirap sa gitna ng pandemya.

Seryoso din siyang nakiusap sa kapwa niya public servants na manatiling nagkakaisa at nakapokus sa pagharap sa totoong kaaway– ang covid-19.

“Huwag na po muna tayong magturuan at magsiraan pa. Ang problema diyan magkakasama kayo sa Gabinete, kayo pa ang nagtuturuan. Hindi po nakakatulong sa Duterte Administration kung kayu-kayo mismo ang nagtuturuan, kung sino ang may kasalanan,” ani Go.

Sinabihan din ni Go si DOH Secretary Francisco Duque III na ipaliwanag ang kanyang aksyon tungkol sa mga akusasyong ibinabato sa kanya.

“Suportahan na lang natin ang ating mga health officials. Si Secretary Duque, kung mayroon ka mang pagkukulang, i-explain mo po sa publiko,” sambit ni Go.

“[Hindi] ko naman po masasabi kung mayroon tiwala o walang tiwala ang mga taumbayan sa kaniya pero ang ating Pangulo ay may tiwala sa kaniya. And prerogative ng Pangulo kung sino ang gusto niyang mamuno ng isang departamento,” paglilinaw ng Senador.

Para mapalakas ang kumpiyansa ng publiko at kamalayan sa covid-19 vaccine, nauna nang hinimok ni Go ang national government para magsagawa ng malawakang information campaign sa layuning maitanim sa isipan ng mamamayan ang ginagawang proseso ng gobyerno para matiyak na epektibo ang mga ibibigay na bakuna para sa mga Pilipino.

“Huwag nating pabayaan ang mga ordinaryong Pilipino. Bigyan dapat ng tamang impormasyon ang publiko para hindi matakot at magkaroon ng confidence ukol sa mga vaccines na ito,” dagdag pa niya. (AI/MTVN/FC/EM)

(Photo: Sen. Bong Go/ Courtesy Albert Alcain (Presidential Photographers Division, Presidential Communications Operations Office, Office of the President; through Philippine Information Agency) – Philippine Information Agency (direct source, page), Public Domain, https://commons.wikimedia.org/w/index.php?curid=53528140)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.