YULO, SASABAK SA DALAWANG TORNEO BAGO ANG TOKYO OLYMPICS
Spread the news on:

Nakatakdang sumabak si Gymnast Carlos Edriel Yulo, ang Olympic gold medal hopeful ng bansa, sa dalawang major international events sa susunod na taon na magsisilbing huling laban niya bilang paghahanda bago ang Olympic Games sa Tokyo, Japan.

Sinabi ni Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion-Norton na masusubok ang mga skills at techniques ng reigning world champion sa floor exercise bago dumiretso sa final competition.

Target ni Yulo na magkamit ng Olympic Gold para sa bansa.

“Caloy (Yulo) may compete again in April or May next year either in Cottbus, Germany or in Baku, Azerbaijan just before the Tokyo Olympics Games,” ani Carrion.

Ayon pa kay Carrion, kailangan ng 20-anyos na si Yulo na sumabak sa mga kompetisyon sa labas ng Japan para subukan ang kanyang mga natutunan mula sa Olympic host country kung saan siya sumasailalim sa pagsasanay bilang bahagi ng scholarship at tie-up sa pagitan ng Japan Gymnastics Association (JAP) at GAP.

Pinuri ni Carrion ang natamong achievement kamakailan ni Yulo sa pagkakamit nito ng dalawang bronze medals sa 74th All-Japan Gymnastics Championships na idinaos sa Takasaki Arena.

“Caloy actually focused on the All-Around event where he scored a personal high card of 89.9 score,” ani Carrion.

Pumangatlo si Yulo sa vault at floor exercise events habang pangwalo naman siya sa all-around event.

Sinabi rin ni Carrion na naka-focus si Yulo sa pagpapalakas at paghahasa ng kanyang bagong skills sa floor exercise, vault, at parallel bars, na kabilang sa mga sasabakan niyang event sa Tokyo Olympics.
(FC/MTVN/EM)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.