BOKSINGERONG SI EUMIR MARCIAL, WAGI SA KANYANG UNANG PROFESSIONAL FIGHT
Spread the news on:

Matagumpay na nalagpasan ni Marcial, na tubong Zamboanga, ang kanyang unang pagsabak sa professional rank nang talunin si Andrew Whitfield sa kanilang middleweight fight sa Shrine Expo Center sa Los Angeles, California.

Kumbinsido at bumilib naman si reigning International Boxing Federation (IBF) junior-bantamweight champion Jerwin Ancajas kay Tokyo Olympics-bound Eumir Felix Marcial. Ayon pa kay Ancajas, tila may nahubog na namang isang magiting at magaling na Filipino world boxing champion.

“Bilib ako kay Eumir,” bulalas pa ni Ancajas nang mapanood ang laban ni Eumir sa telebisyon kasama ang iba pang Filipino boxers.

“Nakapag-adjust kaagad siya sa unang round pa lang. Gigil pa siya noong unang round pero nakuha na niya agad ang kalaban sa ikalawang round. Unang laban pa lang niya sa pro eh iyung kalaban niya ay may apat na laban na sa pro,” bida ni Ancajas.

“Matibay lang talaga ang kalaban kahit tinamaan ng malalakas ni Eumir. Hindi basta mamamaga ang mata noon na ganoon kalaki kung mahina lang ang tama,” paliwanag ni Ancajas.

Pabor lahat kay Marcial ang tatlong judge ng laban na sina Don DeVerges, Ron Scott Stevens at Damian Walton kaya nasungkit niya ang panalo via unanimous decision sa score na 40-36.

Sa simula pa lang ng kanilang laban, agad nagpalitan ng malalakas na suntok sina Marcial at Whitfield. Sapul ang mukha ni Whitfield mula sa matitinding kaliwa na pinakawalan ng Pinoy fighter.

Nahilo sa second round si Whitfield matapos tamaan ng hook ni Marcial, pero hindi pa niya ito napabagsak kaya’t nagpatuloy ang laban. Nagtamo ng malaking bukol si Whitfield sa kanang mata.

Ang pagsabak ni Marcial sa professional fight ay bahagi ng kanyang specialized training at paghahanda para sa 2021 Tokyo Olympic Games. (AI/MTVN/EM)

(Photo: Eumir Felix Marcial)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.