PONDO PARA SA MGA PASYENTENG MAY CANCER, MAS TINAASAN PA
Spread the news on:

Inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga indigent cancer patients na mabibigyan ng libreng gamot at gamutan dahil sa inilaang P620 million ng Department of Health (DOH) bilang pondo para sa cancer assistance na mula sa P4.506 trillion national budget para sa taong 2021.

Sa pagsisiwalat ni House Committee on Appropriations Vice-Chairman at Quezon City 5th Dist. Rep. Alfred Vargas, sinabi niyang mas tinaasan ang pondo ng National Integrated Cancer Control (NICC) kumpara sa orihinal na proposed budget na P540 million.

Ayon sa mambabatas, matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11215 o ang  National Integrated Cancer Control (NICC) Law noong nakaraang taon, gumagana na ang programa sa kabila ng kakulangan sa pondo. Nauna riton hindi inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang proposal ng DOH na P540 million pondo para sa nasabing programa.

“I am particularly grateful to Speaker Lord Allan Jay Velasco and House Accounts Committee Chairman Paolo Duterte for their efforts in ensuring the effective implementation of the NICC law. The cancer assistance fund will greatly ease the financial burden of cancer patients and their families,” paglalahad ni Vargas.

Natuwa din si Vargas sa mga miyembro ng bicameral conference committee sa pagkakaisa para sa pag-allocate ng sapat na pondo para matulungan ang mga mahihirap na pasyenteng may kanser na makapagpagamot at mabigyan ng atensyong medikal.

“This is only the first step. If we are to succeed in making cancer treatment more affordable, we will have to ensure the NICC law’s implementation is funded yearly until we create a fully-working system,” dagdag ni Vargas.

Principal author ng bersiyon ng Kamara ng NICC law si Vargas, na ang sariling ina ay pumanaw dahil sa kanser noong 2014.

“Ang RA 11215 ay ginawa ang programa ng NICC na magsisilbing balangkas para sa lahat ng  government’s cancer-related activities, na may target na pababain ang pangkalahatang  mortalidad at impact sa lahat ng  adult at childhood cancer,” paliwanag ng mambabatas.

Batay sa ulat ng Global Cancer Observatory (GLOBOCAN), mahigit  141,000 Pilipino ang na-diagnose na may kanser noong 2018, kung kailan nasa 60% o 86,337 ang naitalang pumanaw.

Sa 2020 report ng World Cancer Initiative, nasa ika-10 pwesto ang Pilipinas sa 10 mga bansa sa Asia Pacific region sa larangan ng cancer care preparedness.

Ayon naman sa Cancer Coalition of the Philippines, tinatayang nasa 96 cancer patients ang namamatay sa bansa araw-araw.  (AI/FC/MTVN/EM)

(Photo: Courtesy www.pna.gov.ph)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.