MGA EMPLEYADO NG BIR, BOC, AT BLGF, KAILANGANG KUMUHA NG TAX COURSES BAGO MA-PROMOTE
Spread the news on:

Magiging mandatory na ang pagkuha ng mga training courses sa Philippine Tax Academy para sa hiring at promotion ng mga empleyado sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), at Bureau of Local Government Finance (BLGF), simula sa susunod na taon, ayon sa Department of Finance (DOF). 

Bukod dito, mgiging requirement na rin ang basic PTA courses simula 2021 para sa posisyon ng treasurer sa local government units (LGUs).

Sa kanyang ulat kay Finance Sec. Carlos Dominguez III, sinabi ni Finance Undersecretary Gil Beltran na ang pagpasa sa basic tax academy courses ay mandatory o kinakailangan sa ilalim ng Section 4 ng Republic Act (RA) 10143, na nagtatag sa PTA at  implementing rules and regulations (IRR) nito. 

Ayon pa kay Beltran,  kailangang kumuha ng basic tax courses ang lahat ng existing employees ng BIR, BOC, at BLGF bago sila mai-promote, kasama rin ang lahat ng aplikante, contractual man o regular bago sila kunin sa nasabing ahensya; at lahat ng local treasurers bago sila maitalaga.

Sa Section 4 ng PTA law, nakasaad na: “All existing officials and personnel of the BIR, the BOC and the BLGF shall be required to undergo the re-tooling and enhancement seminars and training programs to be conducted by the PTA. All applicants to the said bureaus shall also be required to pass the basic courses before they can be hired whether on contractual or permanent status.” 

Ilalagay online ang mga kurso sa PTA bilang pagsunod sa new normal sa edukasyon lalo’t may mga nakalatag pa ring health at safety protocols para maiwasan ang pagkalat ng covid-19.

Nauna rito, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtalaga kay Secretary Dominguez bilang ex-officio chairman ng PTA Governing Board. Aprubado din ng pangulo ang pagtalaga kina BIR Commissioner Caesar Dulay at BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero bilang ex-officio vice-chairpersons ng PTA Governing Board. (FC/MTVN/EM)

(Photo: Finance Sec. Carlos Dominguez III)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.