DONAIRE, GUSTONG ITULOY ANG LABAN MATAPOS MAGNEGATIBO SA COVID-19
Spread the news on:

Hangad ngayon ni 4-time world champion Nonito Donaire Jr. na maituloy ang kanyang laban kontra sa Puerto Rican na si Emmanuel Rodriguez para sa World Boxing Council (WBC) bantamweight title. Ito’y matapos magnegatibo sa covid-19 ang ‘Filipino Flash’ nang dumaan sa confirmatory test.

Unang itinakda ang naturang laban sa December 19 sa Mohegan Sun sa Connecticut, U.S.A. Pero tinanggal ang 38-anyos na si Donaire bilang challenger makaraang magpositibo sa virus.

Kaya’t muli siyang sumailalim sa isa pang test na siya mismo ang nagbayad bilang kumpirmasyon.

Ngayong negatibo na ang resulta ng kanyang covid test, nanawagan si Donaire sa mga organizer na muli siyang ibalik bilang challenger sa korona ni Rodriguez.

Ang kababayang si Reymart Gaballo ang hinugot bilang kapalit ni Donaire na lalaban naman para sa interim WBC 118-lb. crown.

Tiniyak ni Donaire na nasa maayos siyang kondisyon at handang makipagbakbakan anumang oras kung saan target niya ang kanyang panglimang world title.

“I sparred 12 rounds today. I’m ready,” ani Donaire nang tanungin ng fana kung handa siyang makipagbugbugan kay Rodriguez sakaling hugutin muli bilang challenger.

Bitbit ni Donaire ang 40-6 na record na may 26 knockouts habang si Rodriguez ay may 19-1 na record na may 12 knockouts. (AI/MTVN/EM)

(Photo: Courtesy Larry Burton/https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Nonito_Donaire_3.jpg)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.