ABU SAYYAF SUB-LEADER, ARESTADO SA BASILAN
ABU SAYYAF SUB-LEADER, ARESTADO SA BASILAN
Spread the news on:

Arestado ang isang Abu Sayyaf sub-leader sa pinagsanib na pwersa ng police intelligence operatives at Special Action Force sa Ungkaya Pukan, Basilan.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Debold Sinas, natimbog si Hadji Faisal Abdulkarim, 67-anyos, sa ikinasang counter-terrorism operation ng PNP-IG, PNP-SAF, PRO-BAR, Maritime Group, at CIDG sa Barangay Matata.

Si Abdulkarim ay may dalawang magkakahiwalay na arrest warrants na inisyu ni Hon. Danilo M. Bucoy, Presiding Judge of RTC Branch 2 ng Isabela City, Basilan para sa kasong murder at multiple arson.

Siya ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Barangay Chairman Naber Usani noong 2014, at pagsunog ng maraming kabahayan sa Bgy. Bulo-Bulo sa Sumisip, Basilan noong 2004.

Pinuri ni Sinas ang PNP units na kasama sa operasyon na aniya’y malaking accomplishment sa pagpapatupad ng kampanya kontra terorismo at kriminalidad.

“Despite the risks involved, the arresting team accomplished the mission, put away a dangerous criminal, kept the community safe, and made the PNP proud,” pahayag ni Sinas.

Batay sa record ng PNP, si Abdulkarim ay sub-leader ng ASG-Dawlah Islamiyah Basilan Group. Kumikilos siya sa ilalim ni ASG leader Radzmil Jannatul, na humalili sa namatay na si Furuji Indama.

Ayon pa kay Sinas, nakumpiska ng raiding team mula kay Abdulkarim ang tatlong Daniel Defense assault rifles, sniper scope, 356 rounds ng live 5.56mm ammunition, M203 grenade launcher, 13 live rounds ng 40mm grenade ammunition.

Natunton din ng mga operatiba ang ginawang medical station ni Abdulkarim sa Sulu na ginagamit para gamutin ang mga sugatang Abu Sayyaf fighters kung saan narekober ang iba’t ibang medical supplies. (AI/FC/MTVN/EM)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.