BONG GO, UMAPELA SA GOBYERNO NA MULING PONDOHAN ANG CALAMITY FUND NG MGA LGU NA TINAMAAN NG BAGYO
Spread the news on:

MAYNILA — Humiling muli si Senador Christopher “Bong” Go sa national government na bigyang-ayuda ang mga lokal na pamahalaan o local government units (LGUs) na lubhang napinsala ang kabuhayan at nawalan ng tirahan ang libu-libong pamilya nang manalasa ang bagyong Ulysses sa pamamagitan ng karagdagang pondo sa calamity funds na katumbas  ng isang porsyento ng kani-kanilang Internal Revenue Allotment (IRA).

Nauna rito, naging matagumpay ang apela ni Go sa  Department of Budget and Management (DBM) na madagdagan ang dating pondo ng mga LGUs na lubhang hinagupit ng  Super Typhoon Rolly, na unang naminsala sa maraming lugar sa Luzon, partikular sa Bicol region at ilang bahagi ng Southern Luzon.

Ayon sa Senador,  karamihan sa  calamity fund ng mga lokal na pamahalaan ay naubos na para tugunan ang hindi inaasahang pandemya ng Covid-19 na patuloy na nakakaapekto sa pamumuhay ng maraming Pilipino.

“Umaapela ako ulit sa ating gobyerno, kay Pangulo at sa DBM, na tulungan ang mga pinakaapektadong LGUs na nangangailangan ng dagdag na calamity funds para mas makaresponde sa mga pangangailangan ng kanilang mga kababayan,” pahayag ni Go.

“Kailangan nila ng dagdag na pondo para makabili ng pagkain, gamot at iba pang gamit para maalagaan ang mga nasalanta at matulungang makabangon muli. Kahit at least 1% lang po ay i-replenish ninyo, malaki nang tulong ito,” dagdag pa ng Senador.

Umapela si Go matapos makatanggap ng mga panawagan para sa ayuda mula sa mga apektadong LGU bunsod ng pagkaubos ng kani-kanilang pondo dahil sa pagtugon sa Covid-19 pandemic at sa mga nauna nang bagyong tumama sa bansa nitong mga nakalipas na buwan.

“Malaki po ang magagawa ng pondong ito upang mapunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga komunidad, lalo na’t nabawasan na ang kanilang naunang pondo dahil sa pandemya,” paliwanag ni Go.

Iminungkahi rin ni Go na maaaring pag-aralan ng executive department ang posibilidad ng incremental provision para sa karagdagang pondo na ilalaan para sa mga lokal na pamahalaan na matinding hinagupit ng bagyo, depende sa lawak ng pangangailangan ng komunidad at sa availability ng naturang pondo. (HP/AI/MTVN)

(photo: Sen. Christopher “Bong” Go)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.